
Hindi inaasahan na magpapatuloy ang malakas na ulan ngayon araw, na nagdulot ng matinding pagbaha at pagguho ng lupa sa Mainland Bongao, Tawi-Tawi. Sa gitna ng unos at pangamba, ang Marine Battalion Landing Team-4 ay agad na rumesponde.
Pinangunahan ng MBLT-4 ang isang rescue operations, gamit ang mga sasakyan at kagamitan upang maabot ang mga lugar na lubhang naapektuhan. Nakipag-ugnayan sila sa mga lokal na opisyal at team ng Disaster Risk Reduction and Management Office upang mabilis na matukoy ang mga pamilyang nangangailangan ng tulong.
Bukod sa paglikas ng mga residenteng na-trap sa baha, nagbigay din ang mga Marines ng agarang tulong para masiguro ang kaligtasan ng mga naapektuhan. Bawat galaw ng mga sundalo ay nagpapakita ng kanilang malasakit at paglilingkod sa bayan.
Ang MBLT-4 ay patuloy na nagbabantay at handang tumulong sa oras ng pangangailangan. Ang kanilang mabilis na pagtugon sa Bongao ay hindi lamang nagligtas ng buhay kundi nagbigay rin ng pag-asa at panatag na loob sa mga residente. Kasabay nito, patuloy ring minomonitor ng iba pang yunit ng Marines ang sitwasyon sa mga karatig-na munisipalidad tulad ng Simunul, Sibutu, Sitangkay, Turtle Islands, at Mapun upang masiguro ang kaligtasan ng mga kababayan. Sila ay hindi lamang tagapagtanggol ng soberanya, kundi katuwang ng sambayanan sa bawat hamon ng buhay.